Tuesday, February 27, 2007
huling salita.
the tooth.fairy wishes anyone who had the privilege to read this blog to keep any private information, accidentally revealed, still in secret.
until the tooth.fairy graduates from her mixed heaven and hell kind of institution...
sa aking butihing pangalawang ina,
maganda na sana ang umaga kung hindi ka na lang pumasok. positibo ng aura ko noong araw na yon pagkat hangad ko na kahit sa huling buong araw ng aking pamamalagi sa aking pangalawang tahanan ay maranasan ang mabubuting bagay at kahit papaano'y manalaytay ang sarap ng halos buong buhay ko nang pamamalagi rito. pero ikaw ano ang pambungad mo? busangot. at isang malaking seremonyas tungkol sa stallion na pina-simple mo pa nung una na kunwari'y nagtuturo ka nang mga aral, parang isang pastor sa tuktok ng pulpito. maganda ang Mabuting Balita na hatid mo. nagustuhan ko, inaamin ko. pero sa palagay ko lang, hindi tama na gamitin mo iyon para sa maka-mundo mong pagnanais na mai-pamukha sa aming mahirap kami. at kasalanan namin kaya hindi ka tatanggap ng malaking kumisyon at mga papuring magpapalaki lalo sa iyong lumulobo nang tiyan.
unang puntos. sabi mo masyado ka nang maraming naibigay para sa amin at para bang kahit respeto ay hindi namin kayang ibigay sa iyo. aminado ako, konti lang ang respetong inilalaan ko sayo at iyon ay dahil lamang sa titulo mo bilang "guro" ko na mas nakatatanda ng malaki sa akin at wala nang iba pa. pero kahit sinong tao na tawaging ahas ay hinde irerespeto ang tumawag sa kanila nito. natatandaan ko pa nang minsang sinabi sa akin ng iba ko pang guro na ang tao'y bibigyan lamang ng respeto kung kaya niyang rumespeto. matanong nga kita, ano ang ginawa mo para maipakita mo sa amin na nirerespeto mo ang aming kahinaan? noong hindi naming kayang tustusan ang libong hinihingi mo sa amin? na katumbas ng isang linggong pagpapakahirap ng nanay at tatay namin na itatapon mo lang upang magkamal ng papuring hindi mo naman maidadala sa hukay? pasensya ka pero kahit bata pa kami, magulang na kami sa pera. at hindi kami ang tipong magpapasasa na lamang sa kung anong sabihin mo sa amin para lamang masunod ang iyong gusto. sabihin mo nang madamot. hindi kami nagdadamot. sa katunayan, ibinayad lamang namin ang dapat naming bayaran bilang aming pananagutan. kung madamot kami, hahayaan naming mamroblema ang klase sa pag-iipon nang halagang kukumpleto sa kota. pasensya na pero pratikal lang talaga kami. hindi kami basta-basta mapipilit na bayaran ang kung anumang bagay na alam naman naming hindi talaga namin mapapakinabangan.
ikalawang puntos. ang reputasyon na lagi mong ipinipilit na kailangan naming alagaan. sabi mo ang kagalingan ng krim ay hindi lamang sa akademya. ano ngayon ang ipinararating mo? na nakasalalay iyon sa perang itinatapon nila para sa bulsa ng iba? o sa perang dapat sana'y baon nila ng ilang linggo na ipagpapalit nila para sa panandaliang papuri at kaligayahan? para malaman mo, ang pagiging matalino at wais ay hindi nakasalalay sa kung sunud-sunuran ba ang isang tao sa nakakasakop sa kanya. nasusukat iyon sa katapangan ng isang taong handang lumaban para sa alam niyang tama. at higit sa lahat, iyon lang naman po ang ginawa namin. nais ko lamang namang linawin sa iyo na kuna may dapat man kaming patunayan, uunahin naming patunayan ito sa aming mga sarili. wala kaming pakialam sa sasabihin ng ba. dahil kung maniniwala kami sa kung anuman ang nais nila sa amin, habambuhay kaming mabubuhay sa kanilang anino at habambuhay nilang tatapakan ang aming pagkatao. iyan ang problema sa mga tao eh. tulad mo, masyado kayong nabubulag sa panadaliang aliw, sa panandaliang papuri, sa lahat ng panandalian. sabihin mo nga, uunahin ko pa ba ang pagbanggit sa aming seksyon sa bulletin kaysa sa pagbabayad sa aking matrikula? uunahin ko pa bang bumili ng gel na pampaganda ng imahe ko kaysa sa pagkain ko sa araw-araw? uunahin ko pa ba ang kung ano ang ikasisiya ng iba kung alam ko namang nahihirapan ang mahal ko sa buhay, ang aking ina na siyang tutustos sa luhong ipinagpipilitan mo? ano na ang nangyari sa simplisidad na itinuturo ni la salle?
ikatlong puntos. sabi mo naniniwala ka na magaling kami. at hindi mo kami pinagdududahan. pero ang masakit para sa iyo ay ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa amin. nasasakatan ka rin. una sa lahat, kung naniniwala ka sa amin, kung alam mo sa sarili mo na hindi kami mahina, na matalino kami dahil hindi kami nagpapadala sa ka-impokritahan ng ibang tao o dili kaya nama'y sa kabulastugan na ipinipilit sa aming suungin, bakit mo kailangang makinig at masaktan sa sinasabi ng iba? bakit kailangang unahin mo silang dinggin kaysa sa sarili mong anak? bakit ba natatakot ka sa sinasabi nila tungkol sa amin? sabi mo pa, ginagawa mo ang lahat para maligtas kami sa kahihiyan. kung talagang mahal mo kami, bakit mo kami kailangang ikahiya? sabi mo na kilala mo na kami. sa tingin ko lang, hindi talaga. dahil kung kilala mo talaga kami, sana alam mo kung paano namin pinaghihirapan ang lahat ng aming ginagawa. kung paanong hindi kami natutulog para rito at kung ano ang isinasakrpisyo namin maabot lamang ang alam naming kagalingan namin. pero hindi, hindi nga namin binibigyan ng problema ang sarili namin, tapos ikaw, ang lakas ng loob mong pilitin kami sa bagay na hindi namin gusto. kung naniniwala ka na magaling kami, hindi mo na kailangang makinig sa iba para patunayan iyon. kasi kilala mo na kami. kasi alam mo at tanggap mo ang aming mga pagkukulang at ikaw bilang aming ina ang nagpapadama sa amin na awayin man kami ng buong mundo, lagi mo kaming tatanggapin kung anuman kami.
ikaapat na puntos. sabi mo naiintindihan mo kami. naiintindihan mo ba ang pakahulugan ng pang-intindi? una sa lahat, sabi mo suporta lang ang hinihing mo sa amin para sa stallion at hindi ito tungkol sa salapi, sige nga ano bang klaseng suporta ang hinihingi mo para maging matagumpay sa stallion? aba, sa tingin ko hindi naman ata rally o cheerleading squad ang hiling mo don. pagapsok namin ng klase, hindi "kamusta na ang buhay mo? ayos ka pa ba? alam ko namang mahirap ang pinagdadaanan mo pero kaya mo yan!" ang bungad mo. sa tuwina na makikita mo kami ang sabad mo lagi: "kamusta na ang solicitation mo? ayos pa ba ang nasososlicit mo? alam kong mahirap ang mag-solicit, pero kaya mo yan! basta magtanong-tanong ka jan at kailangang sa biyernes ay mayroon ka na. pag wala ka aabangan ko yan hanggang sa magkaroon ka. kahit manghingi ka na sa magulang mo para mapuri nila tayo. 'para sabihin nilang you are one among the greatest members of the cream of the crop!'. at pag di mo yan nagawa, wala kang grade." ano ka longganisa teacher? laging may kapalit? pangalawa, kahit mamatay ako hindi ko madadala sa hukay at sa langit na nakapag-solicit ako ng kinse-mil para sa aming stallion. wala naman yang ibibigay sa aking diploma o pambayad matrikula pag ginawa ko yan. wala naman akong mahihita dyan kundi purihin ng iba na para sa ngayon lang naman. bukas, pag may naka-kota na na iba, kakalimutan na rin ako at higit sa lahat, mabubuhay ako at ang susunod pang henerasyon ng aking pamilya nang hindi nagbibigay ng kinse-mil sa stallion na iyan. kung talagang naiintidihan mo kami at ang aming paghihirap, sana hindi mo na lamang pinansin ang sinasabi ng iba tungkol sa amin. sana kami na lamang ang kinampihan at ipinagtanggol mo. sana kami na rin ang kinapitan mo at hindi ang mga kaibigan mong walang hanap kundi tsismis. at sana kung talagang nanay ka namin, sana ipinadama mo sa amin na tanggap mo kami kahit pa kami ay kulang kulang. dahil mahal mo kami eh.
sana maka-graduate pa ako.
at pagdating ng panahon, ipapakita ko sa iyo.
na kaya ko.
kaya namin.
kahit di ka naniniwala sa amin.
basta naniniwala kami sa aming sarili.
at wala ka.
as the song says, some things are better left unsaid.
posted by anthonette || 12:20 AM
