beyond the candy castles

Tuesday, February 03, 2009

kung nagsasalita lang si peanut


Dear Mama,

Ang sama mo.

Doon ako naghihintay gabi-gabi, umaasa na sa pagbukas ng pinto makikita kita na buong pagmamahal na aakayin ako upang ipadama sa akin ang sarap ng may nagmamahal. Lagi lang ako nandoon, ma, naghihintay at laging nag-aabang na baka sakali o kahit panandalian lang, babalik ka para sa amin, kasi kami ang iyong pamilya at tanging kami lang ang nandito para sa'yo, ano pa man ang iyong pagkakamali at pagkukulang.

Alam ko naman na sa araw na lumabas ka ng pinto bitbit ang iyong mga gamit, punung-puno ng kaba na may halong pagkasabik, alam ko ma, na aalis ka at iiwan kami. Alam ko naman yun, na darating ang panahon at gugustuhin mo rin lumagay sa tahimik, kasama ang isang pamilyang ikaw ang nagbuo at magbibigay-ilaw. Alam ko naman na di habambuhay kahit gustuhin ko man, na nandito ka sa tabi namin. Alam ko na aalis at aalis ka, kahit pa hindi ko naiintindihan kung bakit.

Alam ko naman at kahit papaano pinipilit kong intindihin.

Pero hindi ko lang matanggap na hayaan kang umalis na alam kong masama rin naman ang iyong pupuntahan, ma. Hindi ko naman ibig husgahan siya pero sana man lang mapatunayan niya sa'yo na sulit ang pag-iwan mo sa amin. Sana lang ma, maisip niya kung gaano ka namin kamahal na ayaw naming masaktan ka at mapanindigan niya na aalagaan ka niya di man tulad ngunit halos kawangis ng pag-aarugang ibinigay namin sayo.

Pero bakit ganon? Ni anino niya hindi ko nakikita. Posible pa kayang dumating ang panahon na mapaninindigan ka niya?

Sabi nila ako daw ay bunga ng pagkasuklam at pagkawala ng iyong pag-asa sa kanya. Sabi nila na dahil sa matinding paghihinagpis mo, kinuha mo ako upang pag-alayan ng pagmamahal na binalewala lang niya. Masaya ako. Kasi kahit pa ganoon, kahit pa kinupkop mo lang ako upang may mapagkaabalahan kaysa umiyak, kahit papaano'y hindi nawala sa iyong puso ang mabuti mong hangarin at ang katangi-tangi mong kakayahan upang magmahal.

Pero dahil lang ba bumalik na ang buwaya, iiwan mo na rin ako upang kalimutan ang pangako mo sa iyong sarili?

Pangakong hindi ka na sasama sa may sinamahan nang iba?

Ma, ang sama mo.

Alam ko naman na darating ang panahon na aalis ka na. Na iiwan mo na kami. Na gagawa ka ng sariling pangarap. Sariling pagsisikap.

Pero sa tingin mo ba kaya kong maatim na iwan ka sa isang taong nangiwan na rin sa iba?

Basta kahit anong mangyari nandoon pa rin ako. Naghihintay. Sa may pinto. Para sa pagdating mo.

-Peanut


posted by anthonette || 6:32 PM